Nagbunga ang apat na buwang pag-aalaga ng bangus ng mga miyembro ng Hoskyn Fisherfolk Association (HOFA) matapos silang makaani ng 4.3 metric tons ng isda noong Oktubre 16, 2026 na nagkakahalaga ng P544,758 sa gross sales.
Sinuportahan ang produksyong ito ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region VI (DA-BFAR 6) sa ilalim ng National Fisheries Program, kung saan nagbigay ang Provincial Fisheries Office – Guimaras ng feeds at 15,000 fingerlings na inihulog noong Hunyo 11, 2026 at umabot sa 72% survival rate.
Lubos ang pasasalamat ni HOFA President Rudy Amatorio sa proyekto ng BFAR na malaking tulong sa kanilang kabuhayan, at plano ng kanilang grupo na gamitin ang bahagi ng kinita upang ipagpatuloy ang susunod na production cycle.
Kasabay ng anihan, pormal ding ipinagkaloob ang mga HDPE fish cage sa HOFA at Hoskyn Tultul Association (HOSTULA) bilang mga benepisyaryo ng Aquaculture Livelihood Assistance and Guidance for Adaptive Development (ALAGAD) Project.
Dinaluhan ang nasabing turnover ng lokal na pamahalaan ng Jordan na kinatawan ni Municipal Agriculturist Marites Gallego, habang patuloy na umaasa ang mga mangingisda sa mas masagana pang ani sa mga susunod na buwan.














