Nagbabala si Impeachment Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa depensa at prosekusyon na hindi niya pahihintulutan ang anumang “federations” mula sa alinmang panig, maging tugon man ito sa tanong ng isang senator-judge.
Binigyang-diin ni Escudero na layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang mga testigo na iprisinta ang kani-kanilang ebidensya, sa halip na magbigay ang mga counsel ng kanilang mga pahayag hinggil sa facts at law.
Ginawa ni Escudero ang paalala matapos maghain ng mosyon si Senator-Judge Pia Cayetano kahapon sa ikalawang araw ng trial na burahin sa rekord ang naging sagot ni prosecution counsel Atty. Amando Ligutan sa katanungan ni Senator-Judge Risa Hontiveros, na inihambing sa isang “closing statement.
Nauna na kasing tinanong ni Hontiveros kung “paano naging impeachable offense ang sinabi ng Bise Presidente sa video na kumuha siya ng assassin para patayin ang Presidente, First Lady, at ang Speaker?” Nilinaw kalaunan ni Hontiveros na hindi niya intensiyong mag-pudyok ng closing argument kundi nais lamang niyang linawin kung paano kinategorya ng prosekusyon ang mga pahayag ni VP Sara.
Ipinaliwanag naman ni Escudero na balewala na kung buburahin pa ang naging pahayag ng prosekusyon dahil napanood na ito ng publiko kayat nagpasya ang Presiding Officer na bigyan ng parehong pagkakataon ang panig ng depensa na magbigay ng kanilang statement matapos ang isinasagawang cross examination sa unang testigong si National Bureau of Investigation (NBI) senior agent John Mark Calilung.
















