-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Malacañang na ipatawag si Chinese Ambassador to Philippines Jing Quan para iparating ang matinding galit sa mapanganib na propaganda ng China.

Tinutukoy ng senadora ang inilabas na AI-generated video ng Chinese state-run media na China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy, na animo’y inuutusan ng mga bansang Amerika at Japan at pagkutiya sa 2016 arbitral award na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang bisa sa malawakang claim ng China sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea.

Sa isang pahayag ngayong Sabado, Hulyo 18, pinalagan din ni Hontiveros ang aniya’y “racist propaganda” ng China at iginiit na hindi dapat maliitiin ang mga Pilipino dahil sa ating nasyonalidad.

Kinondena rin ng mambabatas ang depiksiyon ng pagsusulong ng ating pambansang interes bilang “colonial subservience.”

Lalo lamang aniyang nagpahina ito sa kredibilidad ng China at nagbigay ng pagdududa sa layunin nito na palakasin ang pakikipagkaibigan at mutual respect sa Pilipinas.

Sinegundahan din ng senadora ang pagdemand ng Department of Foreign Affairs (DFA) na burahin ang video.

Nanawagan din siya sa international community na samahan ang Pilipinas sa pagkondena sa aniya’y “reprehensible act.”

“This is a cheap attempt to isolate us from allies and like-minded countries. The more the Chinese government insults and demeans the Filipino people, the closer the ties we will build with nations willing to stand shoulder to shoulder with us on issues of vital national interest like the West Philippine Sea,” saad pa ng senadora.

Giit pa ni Hontiveros na kailangang mag-public apology ng pamahalaan ng China sa mga Pilipino, dahil ang racist act na ito ay paglabag sa pinakapangunahing pamantayan ng paggalang na dapat mangibabaw sa ugnayan ng dalawang bansa.

Sa huli, binigyang-diin ni Hontiveros na ang salungatan sa pagitan ng mga bansa ay dapat na resolbahin sa pamamagitan ng diplomasiya, katotohanan at international law at hindi sa pamamagitan ng propaganda.