MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang senador na patuloy na ipagtanggol ng Pilipinas ang 2016 Arbitral Award sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon na nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa West Philippine Sea (WPS)
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, nananatiling mahalagang sandigan ng Pilipinas ang arbitral ruling lalo na sa gitna ng patuloy na paggiit ng China sa mga teritoryong inaangkin nito.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga ulat na may ilang Chinese academics na nag-aangking bahagi ng China ang Batanes, na aniya’y patunay na nagpapatuloy ang pagpapalaganap ng maling impormasyon tungkol sa teritoryo ng Pilipinas.
“China’s disinformation campaigns are exactly why the Arbitral Award matters, not only as a landmark ruling etched in the annals of history, but as a shield against those who systematically spread lies,” ani Hontiveros.
Habang, sinabi naman ni Sen. Bam Aquino na nananatiling malinaw ang paninindigan ng bansa na ipagtanggol ang soberanya, mga karapatan, at pambansang interes sa West Philippine Sea.
Aniya, ang arbitral ruling na inilabas ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 ay bunga ng paggamit ng diplomasya at international law sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Binigyang-diin din ni Aquino na ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkol sa teritoryo kundi pati sa kabuhayan ng mga mangingisda, seguridad sa karagatan, at kinabukasan ng bansa.
Samantala, hinikayat naman ni Sen. Francis Pangilinan ang mga Pilipino na ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga komunidad sa Kalayaan Island Group (KIG) at sa mga mangingisdang patuloy na nangingisda sa kabila ng banta ng presensya ng mga barko ng China.
Ibinahagi ni Pangilinan ang kanyang pagbisita sa Pag-asa Island noong Mayo, kung saan nakapanayam niya ang mga residente at mangingisdang nagsabing patuloy silang nakararanas ng pangamba sa tuwing pumapalaot dahil sa presensya ng Chinese maritime militia.
Ayon sa senador, ang tagumpay ng Pilipinas sa The Hague ay dapat tumbasan ng patuloy na pagkilos upang maprotektahan ang kabuhayan at seguridad ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Noong Hulyo 12, 2016, naglabas ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague ng desisyong nagsasabing walang legal na batayan ang malawak na nine-dash line claim ng China sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na sakop ng West Philippine Sea.
















