Ipinagtanggol ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang legal na kapangyarihan nitong mag-isyu ng Philippine visa, kasunod ng pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nasa ilalim umano ng Department of Justice (DOJ) ang naturang tungkulin.
Palag ng DFA sa Ombudsman, malinaw na nakasaad sa Administrative Code of 1987 ang kapangyarihan ng mga konsulado sa Pilipinas na mag-isyu ng visa at hindi ito basta ipinagkaloob lamang ng DOJ.
Tinutulan din ng ahensya ang mungkahi ni Remulla na ilipat sa pribadong service provider ang pagproseso ng visa.
Paliwanag ng DFA, maaring tumulong ang mga pribadong kompanya sa pagtanggap at pagpapadali ng aplikasyon, ngunit nanatiling tungkulin ng pamahalaan ang pagsusuri, pag-apruba o pagtanggi sa mga aplikasyon.
Samantala, ipinagtangol din ng DFA ang 14-day visa-free para sa mga Chinese national, na ipinatupad alinsunod umano sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang kalakalan, pamumuhunan, turismo at ugnayan ng mga mamamayan ng Pilipinas at China.
Ito ay matapos na lumabas ang mga ulat na may mga dayuhan partikular na ang Chinese nationals na inaabuso ang visa-free arrangement para sa mga ilegal na gawain tulad ng illegal scam hubs, illegal employment at lalong-lalo na sa mga ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.
Nilinaw ng ahensiya na dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang anumang naiulat na pang-aabuso sa visa-free entry privilege, ngunit hindi aniya nangangahulugan ang mga insidenteng ito na may iregularidad sa panig ng DFA o ilegal ang pagpapatupad ng polisiya.
Itinanggi rin ng DFA ang umano’y pag-iisyu nito ng pekeng pasaporte maging ang mga alegasyon ng kurapsyon o pagtrato sa mga serbisyo nito para pagkakitaan. Iginiit nitong lahat ng nakokolektang bayad ng ahensya ay napupunta sa pamahalaan.













