Hinimok ni dating Senator Antonio Trillanes IV ang Office of the Ombudsman na madaliin na ang mga reklamong inihain laban kay VP Sara Duterte at mga malalapit na kaibigan ng pamilya Duterte.
Sa isang panayam, kinuwestyon ng dating senador ang mabagal na pag-usad ng mga naturang kaso habang nakabinbin ang mga ito sa opisina ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Binalikan ng dating senador ang mga reklamong kinakaharap ni VP Sara tulad ng multi-billion peso plunder at graft complaints kung saan kasama ng pangalawang pangulo na inirereklamo ang ilang prominenteng personalidad.
Matagal na panahon na aniyang naihain ang mga naturang reklamo at mistulang nagiging isang malinaw na ‘pattern’ na hindi ginagalaw o hindi umuusad ang mga ito, sa kabila ng napakaraming ebidensiya na sumusuporta sa mga naturang reklamo.
Inihalimbawa rin niya ang plunder complaint na kaniyang inihain laban kay Sen. Christopher Go ilang buwan na ang nakakalipas, ngunit wala pang development sa kasalukuyan.
Ang naturang reklamo ay ukol sa mga government contract na nakuha umano ng kumpaniyang pag-aari ng ama ni Sen. Go at ng kaniyang half brother na nagkakahalaga ng mahigit P6.6 billion.
Ayon kay Trillanes, panahon na upang maimbestigahan ang lahat ng ito at tuluyang maisampa ang kaukulang kaso sa anti-graft court.
Sa kabilang banda, bagaman binabatikos ni Sen. Trillanes ang mabagal na pag-usad ng mga reklamo, ayaw din umano niyang ‘husgahan’ agad ang Tanodbayan at sa halip ay hihintayin ang susunod na hakbang ng naturang opisina.














