Naghain si Senator Risa Hontiveros ng Senate Resolution No. 746 na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan o kaya ay hilingin sa gobyerno ng China ang pagpapabalik sa naturang diplomat.
Nakabatay ang resolusyon sa pahayag umano ni Jing na madaling mananalo ang China sakaling magkaroon ng sigalot sa pagitan nito at ng Pilipinas, gayundin sa patuloy na mga pagkilos ng China sa West Philippine Sea.
Binanggit din sa resolusyon ang babala ng Chinese Embassy na maaaring pagbawalan ang mga opisyal ng Pilipinas na makapasok sa China kung ideklarang persona non grata ang embahador.
Ang persona non grata ay pagturing sa isang diplomat bilang hindi katanggap-tanggap sa bansang kanyang pinaglilingkuran, na maaaring humantong sa pagpapaalis o pag-alis nito sa bansa.













