Kinondena ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na madali umanong magwawagi ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, hindi maituturing na pagpapakita ng kapayapaan ang ganitong pahayag dahil maaari itong ituring na direktang banta sa seguridad ng bansa.
Giit ng opisyal, hindi dapat magpasalamat ang Pilipinas sa China dahil lamang pinipili nitong hindi gumamit ng puwersa, lalo’t patuloy umanong nalalabag ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Matatandaang nitong mga nakaraang buwan, ilang insidente ng agresibong pagkilos ng China ang iniulat ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Katulad na lamang paulit-ulit na paggamit ng water cannon at humarang ang isang barko ng China Coast Guard sa BRP Cabra habang inililikas nito ang isang maysakit na sundalong Pilipino mula sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Dahil dito, halos sampung oras naantala ang medical evacuation.
Samantala, iniulat din ng PCG na pinaalis nito ang mga bangkang pangisda ng China na namataan malapit sa Lawak Island sa Kalayaan, Palawan, matapos umanong hindi tumugon sa paulit-ulit na radio challenge ng mga awtoridad.















