Inihayag ng Chinese Embassy sa Maynila na nananatiling bukas ang Beijing sa pakikipagdayalogo upang maresolba ang hindi pagkakaunawaan sa Pilipinas sa West Philippine Sea, bastat hindi nito makokompromiso ang kanilang territorial claim.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ng embahada na bagama’t handa ang China sa diplomatikong pag-uusap, hindi dapat nito labagin ang soberanya, maritime rights, at interes ng Beijing sa pinag-aagawang karagatan.
Binigyang-diin ng embahada na nakatuon sila sa maayos na paghawak sa mga pagkakaiba sa pamamagitan ng konsultasyon upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea at sa buong rehiyon.
Nilinaw din ng China na hindi nila tinututulan ang normal na kooperasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa hangga’t hindi nito sinisira ang kapayapaan sa rehiyon.
Gayunpaman, iginiit ng Beijing na anumang pakikipagtulungan sa iba ay hindi dapat makasagasa sa inaangking karapatan at interes ng China sa nasabing katubigan.
Ang pahayag na ito ay lumabas sa gitna ng patuloy na pagsusumikap ng dalawang bansa na pamahalaan ang tensyon sa pamamagitan ng diplomatikong mekanismo.














