-- Advertisements --

Dalawang manggagawa ng medical charity na Médecins Sans Frontières (MSF) ang nasawi matapos direktang tamaan ng Israeli strike ang isa sa kanilang mga klinika sa Gaza City.

Mariing kinondena ng MSF at ni World Health Organization (WHO) Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pag-atake, lalo na’t malinaw umanong may marka ng MSF ang gusali at alam ng militar ng Israel ang eksaktong lokasyon nito, kaya umabot na sa 17 ang kanilang mga tauhang nasawi sa lugar.

Sa kabilang banda, iginiit ng Israel Defense Forces (IDF) na ang dalawang napatay, na pinangalanan nilang sina Ahmed Sufyan Muhammad Ali Abu Hasira at Moaz Yousef Alitsbach, ay mga operatiba ng Hamas na nagpapanggap lamang na security guard at may planong umatake sa mga sibilyan at sundalong Israeli.

Bagama’t may US-brokered ceasefire mula pa noong Oktubre ng nakaraang taon, nagpapatuloy ang halos araw-araw na pag-atake sa Gaza kung saan mahigit 1,705 katao na ang nasawi sa nakalipas na 13 buwan.

Lalo pang pinalala ng malalakas na pag-ulan ang kalagayan ng mga bakwit matapos bahain at masira ang libo-libong pansamantalang tirahan.

Nananawagan ngayon ang UN sa Israel na magpapasok ng mas maraming suplay gaya ng mga tent, heater, at gamot upang matulungan ang mga Palestino sa pagsapit ng taglamig, habang patuloy na umaakyat sa mahigit 74,770 ang kabuuang bilang ng mga nasawi mula nang sumiklab ang digmaan noong Oktubre 2023.