-- Advertisements --

Nakahanda umano ang House Prosecution Panel sakaling piliin ng defense team ni Vice President Sara Duterte na iharap ang bise presidente mismo o ang asawa nitong si Atty. Manases Carpio bilang testigo sa magpapatuloy na impeachment trial.

Ayon kay House prosecutor Rep. Joel Chua, handa silang harapin ang alinman sa dalawang personalidad at mayroon na ring nakatalagang abogado na magsasagawa ng cross-examination sakaling tumestigo ang mga ito.

Matatandaang sinabi ni Duterte na hindi pa nila napag-uusapan ng kaniyang defense team kung haharap siya bilang testigo sa sarili niyang impeachment trial.

Gayunman, tiniyak ni Chua na handa ang prosecution anuman ang maging hakbang ng depensa ng ikalawang pangulo.

Samantala, iginiit naman ng tagapagsalita ng House Prosecution Panel na si Atty. Jay Tolosa Jr. na mahigpit nilang kokontrahin ang anumang panibagong kahilingan ng depensa na ipagpaliban ang mga pagdinig.

Ayon kay Tolosa, dalawang nakatakdang pagdinig noong nakaraang linggo ang hindi natuloy matapos magbanggit ang mga abogado ng depensa ng conflict sa iba pa nilang kasong hinahawakan.

Kinuwestiyon din niya ang hindi umano paglalatag ng sapat na dahilan sa hindi pagharap ng mga testigo ng depensa, dahil hindi isiniwalat ang kanilang pagkakakilanlan at wala ring naipakitang medical certificates upang patunayan ang kanilang pagliban.

Inilarawan ni Tolosa ang mga naturang pangyayari bilang mga taktikang nagdudulot ng pagkaantala sa paglilitis, na aniya’y hindi dapat na palampasin ng Senado bilang impeachment court.

Nakatakdang muling ipagpatuloy ang impeachment trial sa Disyembre 1, kung saan inaasahang magpapatuloy ang pagharap ng mga testigo ng depensa.