-- Advertisements --

Naniniwala ang House prosecution panel na divertionary tactic lamang sa impeachment trial ni VP Sara ang naging pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y pinag-uusapang no-election scenario sa 2028 sa House of Representatives.

Dahil diito, hinamon ni House impeachment prosecutor at Manila Rep.Joel Chua ang tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Paolo Panelo Jr. na patunayan ang kanyang paratang sa halip na maglabas ng mga isyung walang kinalaman sa paglilitis. 

Iginiit ni Chua na mas makabubuting sagutin na lamang ng depensa ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

“Alam po ninyo, tigilan na nila ’yung mga kung ano-anong mga pinagsasabi nila. Siguro mas makabubuti pa sagutin na lang nila ’yung allegations dito, hindi ’yung kung ano-anong isyu ang ginagawa nila para malihis ’yung mga usapin,” pahayag ni Rep. Chua.

Sinang-ayunan naman ito ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na kinuwestiyon ang tiyempo ng nasabing alegasyon habang hirap umano ang depensa na pasinungalingan ang mga ebidensyang pinansyal laban kay Duterte. 

Payo ni Adiong sa kampo ng Bise Presidente, huwag nang palawakin ang imahinasyon at gumawa na lamang ng mga kwentong kapani-paniwala.

Nahaharap si Duterte sa natitirang impeachment charge na Article II kaugnay ng umano’y P817.87 milyong unexplained wealth at ipinagbabawal na pakikilahok sa negosyo mula 2022 hanggang 2025 isang paratang na patuloy namang itinatanggi ng depensa.

“I understand that there’s that recent effort to divert the attention of the public from the impeachment trial, especially now that the defense case is so weak that they cannot even provide a single witness that can refute the case of the prosecution,” pahayag ni Rep. Adiong.