-- Advertisements --

Inihayag ng pinuno ng military-backed government ng Myanmar na si President Min Aung Hlaing nitong Miyerkules na rerebyuhin ng kanyang administrasyon ang hinaharap na relasyon nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasabay ng pagbatikos sa umano’y hindi patas na pagtrato ng rehiyonal na bloke.

Ginawa ni Min Aung Hlaing ang pahayag sa harap ng mahigit 540 mambabatas at opisyal sa kabiserang Naypyitaw matapos muling idiin ng mga lider ng ASEAN sa kanilang summit sa Pilipinas na kulang pa rin ang progreso ng Myanmar sa pagpapatupad ng five-point peace plan.

Tinawag niyang hindi makatuwiran ang pahayag ng ASEAN at iginiit na sumasalamin lamang ito sa personal na posisyon ng ilang lider at hindi sa pangkalahatang pinagkaisahan ng buong bloke.

Sa kanyang mahigit dalawang oras na talumpati, binatikos din niya ang ASEAN dahil sa paglalagay umano ng political pressure at pagpapahiya sa Myanmar, bagay na hindi raw ginawa sa iba pang kasaping bansa na dumaan din sa kudeta at krisis pampolitika mula noong 1967.

Sa kabila ng pagrebyu sa relasyon nito sa kabuuang bloke, nilinaw ni Min Aung Hlaing na ipagpapatuloy ng Myanmar ang pakikipag-ugnayan sa mga indibidwal na miyembro ng ASEAN at magdaraos ng isang peace conference sa Pebrero upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Matatandaang nanatiling isolated sa international community ang Myanmar at pinagbawalan ang matataas na opisyal nito sa mga pangunahing pulong ng ASEAN mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan mula sa gobyerno ni Aung San Suu Kyi noong 2021.