Nangako ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magpapatuloy ang kanilang mga kilos-protesta kahit nakaalis na ng Pilipinas si US President Donald Trump. Sa pagkakataong ito, pananagutin naman umano nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iniulat na P22-bilyong gastos sa pagho-host ng ASEAN Summit.
Ayon kay Bayan secretary general Mong Palatino, hindi matatapos ang kanilang pagkilos sa pag-alis ni Trump dahil nais nilang panagutin ang administrasyon sa paggamit ng pondo ng bayan para sa summit at pagtanggap sa lider ng Amerika.
Nagsagawa ng protesta ang grupo sa C.M. Recto Avenue nitong Miyerkules matapos harangin ng mga pulis ang kanilang martsa patungong Mendiola. Ipinahayag din ng mga raliyista ang pagtutol sa Pax Silica initiative na pinangungunahan ng Estados Unidos, gayundin ang pagtatayo ng mga pasilidad militar sa bansa.
Kinuwestiyon din ng mga demonstrador ang malaking gastos sa ASEAN Summit, epekto ng mga pagsasara ng kalsada sa kabuhayan ng mga manggagawa at umano’y pagmamalabis ng mga pulis sa mga naunang pag-aresto sa mga raliyista. Inanunsyo ng mga organizer na magsasagawa muli sila ng protesta sa Nobyembre 30.















