Nasa kustodiya ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang dating Venezuelan boxing champion na si Jorge Linares matapos arestuhin sa El Paso International Airport sa Texas.
Kinumpirma ng ICE na dinakip si Linares dahil umano sa pananatili sa Estados Unidos nang lampas sa pinahintulutang panahon ng kanyang temporary stay permit. Pumasok siya sa bansa noong Oktubre 26, 2023 at kasalukuyang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa kanya.
Iiginiit ng kanyang legal team na may pahintulot siyang manatili sa Estados Unidos at lubos siyang nakikipagtulungan sa mga awtoridad upang maresolba ang usapin.
Nagpahayag din ng suporta si World Boxing Association (WBA) President Gilberto J. Mendoza kay Linares at sinabing patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng dating boksingero.
Nagretiro si Linares noong 2023 matapos ang mahigit dalawang dekadang karera sa professional boxing, kung saan naging world champion siya sa featherweight, super featherweight, at lightweight divisions.











