Nagsagawa ng preventive operation ang National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 15 at 16, 2026, matapos makatanggap ng intelligence report mula sa United States Federal Bureau of Investigation (FBI) tungkol sa umano’y planong pamamaril sa isang paaralan.
Tatlong menor de edad, kabilang ang isang 16-anyos na pangunahing suspek, ang iniulat na nag-usap sa isang social media app tungkol sa planong pag-atake, pagkuha ng baril at bala, at pagpapakamatay matapos ang insidente.
Sa operasyon, kusang-loob na isinuko ng mga magulang ang ilang baril, bala at electronic devices na posibleng may kaugnayan sa imbestigasyon. Isasailalim ang mga gadget sa digital forensic examination.
Binigyang-diin ng ahensya na mahigpit na sinunod ang mga alituntunin sa child protection at ang mga probisyon ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, upang matiyak ang paggalang sa dignidad, karapatan at pribasiya ng mga menor de edad.
















