-- Advertisements --

Naghain ang Department of Justice (DOJ), kasama ang mga attached agency nito, ng kabuuang P46.435 bilyong panukalang pondo para sa taong 2027, na katumbas ng nasa 0.68% ng kabuuang P7.2-trilyong proposed national budget.

Sa inilabas na opisyal na ulat ng DOJ, ibinida ng kagawaran ang naging magandang performance nito noong nakalipas na taon upang bigyang-katwiran ang pangangailangan ng sapat na pondo para sa tuloy-tuloy at maayos na serbisyo. Batay sa datos, nakapagtala ang National Prosecution Service ng 99.12% disposition rate at 90.84% prosecution success rate noong 2025.

Sa kabila ng magandang record na ito, nakatakda namang tumanggap ng mas mababang pondo ang ilang pangunahing attached agencies ng DOJ, kabilang na ang Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI).

Bahagya ring nabawasan ang alokasyon para sa mga mahahalagang programa ng kagawaran, partikular ang para sa anti-trafficking, anti-cybercrime, paglaban sa online sexual exploitation of children (OSEC), at ang corrections program.

Kapansin-pansin din ang malaking tapyas sa panukalang pondo para sa kompensasyon ng mga biktima, na mula sa dating P19 milyon ay bumagsak sa P8 milyon na lamang.

Sa kasalukuyan, inisyal nang nasuri ng House Committee on Appropriations ang panukalang pondo ng ahensya para sa susunod na taon bago isalang sa karagdagang deliberasyon.