-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na huwag nang gawing intriga ang kaniyang maikling biyahe sa Singapore kasama ang kapatid na si Sen. Pia Cayetano.

Nagbalik-bansa nitong Sabado ang magkapatid matapos ang kanilang biyahe na sinabi ni Cayetano na isang routine at tahimik na paglalakbay lamang.

Sa isang pahayag, sinabi ng nakababatang Cayetano na hindi niya inakalang magiging malaking isyu ang biyahe at ikinalungkot niyang nauuwi sa personalan ang mga talakayan.

Aniya, bahagi ng problema ang “toxic” na environment kung saan umano ay marami ang naghahanap ng intriga at nagtatalo.

Nauna nang sinabi ni Sen. Pia na matagal nang nakaplano ang kaniyang pagpunta sa Singapore upang suportahan ang national team sa Asia Pacific Padel Tour.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa ang magkapatid noong Miyerkules.

Samantala, sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi naman isyu sa ngayon ang biyahe ni Alan Peter at dapat itong mabigyan ng pahinga mula sa stress na dulot ng mga isyung siya mismo ang lumikha.

Patuloy na nagbabangayan sina Cayetano at Lacson kaugnay ng mga alegasyon ng iregularidad sa flood control at reclamation projects sa Taguig City.

Nauna nang nagsumite si Lacson sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na suportado ng mga opisyal na dokumento hinggil sa umano’y “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa lungsod.

Habang itinuturing naman ni Cayetano ang mga ginagawa ni Lacson bilang pag-uusig hindi lamang laban sa kaniya kundi pati sa kaniyang pamilya at sa Taguig City.

Sinabi ni Cayetano na ipinauubaya na niya sa Diyos ang mga kasong ibinabanta, imbestigasyon, intriga at mga alegasyong aniya’y pabago-bago.

Iniimbestigahan din si Cayetano ng National Bureau of Investigation (NBI) a umano’y iregularidad sa pagho-host ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, maaaring isama si Cayetano bilang respondent sa mga kasong irerekomenda ng bureau sa Department of Justice.

Kabilang sa iniimbestigahan ang umano’y P10 bilyong unliquidated funds, kawalan ng competitive bidding sa ilang proyekto at ang kontrobersiyal na P50-milyong cauldron.

Samantala, inakusahan naman ni Cayetano si Matibag ng pagtatangkang manakot sa kaniya bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.