Nakatakdang magsagawa ang Office of Civil Defense (OCD) at iba pang ahensya, katuwang ang uniformed services at mga lokal na pamahalaan, ng Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Santa Ana, Cagayan bilang pangunahing pilot area.
Itinatampok sa nasabing ehersisyo ang isang full-scale exercise para sa magnitude 8.5 na lindol at tsunami scenario.
Ang sitwasyong ito ay bunsod ng inaasahang paggalaw ng East Luzon Trough, na may epicenter na matatagpuan 180 kilometro sa timog-silangan ng Santa Ana, Cagayan.
Layunin ng pagsasanay na ito na masuri at palakasin ang kahandaan at kakayahan ng pamahalaan sa mabilis na pagtugon sa sakuna.
Kabilang sa pangunahing pokus nito ang pagpapatupad ng Earthquake and Tsunami Contingency Plan at ang Regional Disaster Response Plan (RDRP) ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.














