Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo sa posibilidad ng pag-ulan ng abo kasunod ng naitalang pagbuga ng abo mula sa Bulkang Mayon sa Albay bandang alas-5:19 ng hapon.
Sa isang post sa Facebook, ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pinabilis na kuha ng kamera na nagpapakita ng naganap na pagbuga ng abo mula sa bunganga sa tuktok ng bulkan.
Ayon sa ahensya, umabot sa 300 metro mula sa bunganga sa tuktok ng Bulkang Mayon ang ibinugang abo bago ito tinangay ng hangin patungong hilaga-hilagang-silangan.
Namataan ang pangyayari sa mga kamera na naka-install sa Mayon Volcano Observatory sa Ligñon Hill, Mayon Rest House, at Ligao Observation Station.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan dahil sa patuloy na panganib ng aktibidad nito.














