-- Advertisements --

Umabot na sa Php 6.56B ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa ngayong taon dahil sa epekto ng El Niño.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Disaster Preparedness Service Director Vicente Gregorio Tomas, apektado na ang mga magsasaka dahil sa lumalalang tagtuyot. Sa nakalipas na dalawang buwan, nakaranas ng dry spell at drought ang ilang lugar na nagresulta sa pagbaba ng suplay ng tubig para sa irigasyon at produksyon ng iba’t ibang pananim.

Samantala, batay sa datos ng tanggapan, nasa 109 na lugar na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño, karamihan ay bunsod ng pinsala sa sektor ng agrikultura.

Paliwanag ni Tomas, kabilang sa mga batayan sa pagdedeklara ng state of calamity ang kakulangan sa suplay ng tubig, matinding pagkatuyo at pagbitak ng lupa, at kakulangan sa mga pangunahing suplay dahil sa epekto ng Super El Niño.

Sa kabila nito, tiniyak ng OCD na nananatiling sapat ang suplay ng tubig sa bansa, habang nakahanda ang Water Security Task Force na rumesponde sakaling magkaroon ng kakulangan.

Umaabot naman sa Php 10B halaga ng tulong ang naipagkaloob ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang epekto ng El Niño.

Nauna nang nagbabala ang state weather bureau na posibleng makaranas ng tagtuyot ang lahat ng probinsya sa bansa pagsapit ng Marso 2027.