-- Advertisements --

Namahagi ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ng mga kagamitang nagkakahalaga ng P34.66 milyon para sa deep-sea seaweed farming sa Zamboanga Peninsula upang pataasin ang produksiyon, palaguin ang kita ng mga mangingisda, at patatagin ang posisyon ng bansa sa global trade.

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na kailangang mapataas ang produksiyon upang lubusang mapakinabangan ng mga baybaying komunidad ang mga oportunidad sa merkado, partikular sa komersiyal na pagtatanim ng red seaweeds tulad ng Kappaphycus.

Ibinigay ang 29 na seaweed nursery system na gumagamit ng balsa o raft method sa Zamboanga del Sur noong Oktubre 13, Zamboanga Sibugay noong Oktubre 15, Lungsod ng Zamboanga noong Oktubre 20, at Zamboanga del Norte noong Oktubre 22.

Ang bawat set na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.2 milyon ay gawa sa high-density polyethylene o HDPE at dinisenyo para sa deep-sea farming, kasama na ang mga punla, nursery framing, floating system, lambat, at mga kagamitan sa pagpapatuyo at pag-iimpake.

Isinasagawa ang proyektong ito habang layunin ng Pilipinas na mabawi ang pangunguna sa industriya kung saan kasalukuyan itong nasa ikaapat na puwesto sa buong mundo, matapos maungusan ng Indonesia at makasabay ang China sa raw production.

Sa kabila nito, nananatiling malakas ang bansa sa pagproseso ng carrageenan isang mahalagang pampalapot at pampatatag na sangkap na ginagamit sa iba’t ibang produkto habang target ng DA-BFAR na taasan ang produksiyon nang dalawang porsiyento kada taon hanggang ngayong 2026.