-- Advertisements --

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na pabor siya sa panukalang ideklara ang State of Calamity upang mabilis na magamit ang mga pondo at tulong ng pamahalaan laban sa lumalalang epekto ng El Niño.

Ibinigay ni Tiu Laurel ang suporta sa mungkahi ni Sen. Francis Pangilinan dahil sa babala ng PAGASA na posibleng mauwi sa matinding “Super El Niño” ang nararanasang init ng panahon sa bansa.

Ayon sa kalihim, kailangang umaksiyon agad ng pamahalaan at huwag nang hintayin pang lumala ang pinsala sa agrikultura upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at ang suplay ng pagkain.

Binigyang-diin naman ni Pangilinan na malaki ang maitutulong ng naturang deklarasyon upang mabilis na mailabas ang mga kinakailangang pondo at maipatupad ang mga hakbang sa mga apektadong rehiyon.

Nagbabala ang Department of Agriculture na posibleng maapektuhan ang aabot sa 4.6 milyong magsasaka at mangingisda, pati na ang posibleng bawas sa produksyon ng palay kung magpapatuloy ang matinding tagtuyot.