Minor Phreatomagmatic eruption, naitala sa Taal Volcano
Loops: taal volcano eruption,
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang isang minor Phreatomagmatic eruption sa main crater ng Taal Volcano nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 8.
Tumagal nang limang minuto ang pagputok na nagsimula alas-6:06 ng gabi at nagbuga ng dark gray plume na umabot sa 4,000 metro mula sa crater.
Nakumpirma ito sa pamamagitan ng seismic at camera recordings ng Taal Volcano network.
Nagbabala ang Phivolcs na maaaring makaranas ng manipis na ashfall ang Agoncillo, Lemery, San Nicolas, Taal at Batangas, pati ang mga karatig na lugar.
Ang Phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag nag-interact ang magma at tubig na nagdudulot ng steam, abo at iba pang volcanic materials.
Bago ang eruption, nakapagtala rin ang Phivolcs ng 82 minutong volcanic tremor sa loob ng 24-hour monitoring period mula hatinggabi ng oktubre 7 hanggang hatinggabi ng Oktubre 8.
Nananatili sa Alert level 1 ang Taal volcano.
Pinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano island, partikular sa main crater at daang kastila fissure na kabilang sa permanent danger zones, gayundin ang occupancy at pamamangka sa Taal lake.
Pinag-iingat din ang mga aircraft na lumipad malapit sa bulkan dahil sa posibleng ashfall, volcanic earthquakes, gas-driven explosions at mapanganib na volcanic gas.
















