Nagkaroon ng moderately explosive eruption ang Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay simula alas-11:53 ngayong tanghali, Oktubre 30, 2026, ayon sa inilabas na abiso ng DOST-PHIVOLCS.
Batay sa natipong datos ng kawanihan, nagbuga ang bulkan ng grayish plume na may taas na umabot sa 3,000 metro mula sa crater nito.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy ang naturang pagsabog habang ang ash plume ay itinutulak ng hangin patungong west-southwest.
Ang Bulkang Mayon, na tanyag sa kanyang halos perpektong hugis na cone, ay itinuturing na pinaka-aktibong bulkan sa buong bansa.
Mayroon na itong higit 50 naitalang pagsabog sa nakalipas na apat na siglo, kabilang ang makasaysayang pagsabog noong 1814 na nagpalubog sa lumang bayan ng Cagsawa.
Sa ilalim ng mga pamantayan sa kaligtasan, mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa matinding banta ng mga biglaang pagsabog at pyroclastic density currents.
Dahil sa kasalukuyang aktibidad, pinaiingat ng PHIVOLCS ang mga komunidad sa katimugang bahagi sa posibleng epekto ng ashfall at mga delikadong volcanic gases.
Patuloy ring nakatutok ang kawanihan sa real-time monitoring ng bulkan upang agad na makapagpalabas ng mga kinakailangang update sa pampublikong babala at Alert Level.
Samantala, ilang tanggapan naman ang nahinto ang operasyon matapos yumanig ang Mayon sa panibagong eruption.















