-- Advertisements --

Muling nanawagan ang Philippine National Police (PNP) kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na kusang sumuko habang papalapit ang pagtatapos sa Biyernes, Oktubre 30, ng isang linggong palugit para sa kanyang pagsuko.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, nais ng pulisya na maiwasan ang anumang marahas na komprontasyon o pagkasawi sa operasyon. Wanted si Dela Rosa ng International Criminal Court dahil sa umano’y crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Nilinaw ni Co na ang P50-milyong pabuya ay para sa impormasyong makatutulong sa pagkakaaresto sa senador, hindi pahintulot sa mga sibilyan na siya mismo ang arestuhin. Sinabi rin niyang hindi pa kailangan ng pulisya na maglabas ng wanted poster dahil kilala naman ng publiko ang senador.

Inilarawan ng PNP si Dela Rosa bilang ‘armed and dangerous’, at sinabing mayroon umano itong mahigit 90 baril at patuloy na umiiwas sa pag-aresto. Samantala, muling umapela ang kampo ng senador sa Korte Suprema na baligtarin ang pagtanggi nito sa temporary restraining order laban sa pag-aresto sa kanya.

Iginiit ng abogado ni Dela Rosa na hindi awtomatikong katumbas ng warrant mula sa korte sa Pilipinas ang warrant ng ICC at kailangan muna itong dumaan sa naaangkop na prosesong legal. Sinabi naman ng PNP na igagalang nito ang mga legal na argumento ng kampo ng senador, ngunit magpapatuloy ang operasyon batay sa paninindigan nitong may umiiral na warrant laban sa kanya.