Inaasahang haharap sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Nobyembre 5 si dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang kaugnay ng 521-kilong ilegal na droga na nasamsam sa Laos.
Ayon kay PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut, nangako ang mga abogado ni Rimbang na dadalhin nila ang kanilang kliyente sa tanggapan ng ahensya. Itinuturing si Rimbang na umano’y financier ng shipment na pinaniniwalaang nakatakdang dalhin sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Calulut na batay sa nakalap na ebidensya, posibleng mas malaki ang naging papel ni Rimbang sa operasyon at maaaring siya ang mastermind. Itinanggi naman ng dating opisyal ang mga paratang sa isang video statement.
Dalawa pang person of interest, kabilang si Abdulkarim Macalatas na tinukoy umanong consignee ng shipment, ang hindi pa humaharap sa mga awtoridad. Nilinaw ng PDEA na hindi awtomatikong nangangahulugang suspek ang isang person of interest dahil maaari rin silang maging saksi sa imbestigasyon.















