Nasa sariling pagpapasya na lamang ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung susuko siya bago ang itinakdang deadline ng pamahalaan sa Biyernes, ayon sa kanyang abogado na si Israelito Torreon.
Sinabi ni Torreon na alam na ng senador ang mga posibleng kahihinatnan ng pagsuko o hindi pagsuko. Huli umano silang nag-usap noong Mayo, nang magpakita si Dela Rosa sa Senado.
Naghain naman ang legal team ng senador ng panibagong manifestation sa Korte Suprema upang hilinging muling suriin ang naunang pagtanggi sa kanyang kahilingan para sa temporary restraining order laban sa pag-aresto sa kanya. Kabilang sa mga bagong pangyayaring inilahad ang pag-anunsyo ng P50 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.
Kinuwestiyon din ni Torreon ang legal na batayan ng pabuya at iginiit na walang warrant of arrest na inilabas ng korte sa Pilipinas laban sa senador. Hinamon din niya ang batayan sa pagdedeklarang wanted at armed and dangerous si Dela Rosa, at nagbabala sa posibleng panganib nito sa buhay ng kanyang kliyente.
















