Nanindigan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na wala siyang direktang pakikipag-usap kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa isyu ng kickback sa mga public infrastructure project.
Ginawa ito ni Bernardo sa kaniyang pagtestigo para sa bail petition ng presidential cousin sa Sandiganbayan Third Division.
Aniya, hindi kabilang si Romualdez sa umano’y mga proponent ng DPWH project na nagbalak o nagtangkang makipagkita sa kaniya para humingi ng kickback o SOP (‘standard operating procedures’).
Wala din umano siyang direktang ‘dealings’ kay Romualdez ukol sa cash delivery o kickback.
Sa katunayan aniya, hindi niya nabanggit si Romualdez sa kaniyang mga ginawang judicial affidavit na ipinasakamay sa mga government prosecutor.
Maalalang dating tumestigo si Bernado sa pagdinig ng Senado kung saan pinangalanan niya ang ilang matataas na opisyal ng bansa na umano’y nakinabang sa kickback scheme sa mga government contract ukol sa public infrastructure projects, karamihan dito ay mga flood control.
Kabilang sa mga nabanggit niya sa kaniya affidavit noon ay sina dating Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada, dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, dating Usec. Cathy Cabral, at marami pang iba.
Nahaharap naman ang presidential cousin sa plunder case dahil sa mga alegasyong nagkamal siya ng bilyon-bilyong pisong kickbacks at mga suhol mula sa kontratang pinasok ng pamahalaan sa pagpapagawa ng mga government infrastructure project.















