-- Advertisements --

Nananawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa Malacañang na agad suspindihin ang pag-aangkat ng karneng baboy at itaas ang taripa sa mga imported na produkto.

Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, naghain na ang Department of Agriculture (DA) ng pormal na panukala sa Tariff Commission upang maisakatuparan ang pagtataas ng taripa sa baboy.

Ipinaliwanag ni Cainglet na dahil Executive Order ng Pangulo ang nagpababa sa mga taripa, ang Palasyo rin ang may kapangyarihang magtaas muli nito sa pamamagitan ng panibagong direktiba.

Sa kasalukuyang datos ng merkado, umaabot na sa ₱50 ang pagitan sa presyo ng sariwang kasim kumpara sa imported na kasim ng baboy.

Samantala, pumalo naman sa ₱80 ang pagkakaiba sa presyuhan sa pagitan ng sariwa at imported na liempo sa mga pampublikong pamilihan.

Giit ng grupo, kinakailangan ang mabilis na aksyon ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga lokal na hog raiser mula sa patuloy na pagkalugi.