Tatlong tao na lamang ang hindi pa tumutugon sa subpoena ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection group (PNP-CIDG) ukol sa multi-billion peso drug shipment na nasabat sa Lao People’s Democratic Republic.
Maalalang naharang ng mga otoridad ang naturang shipment na nagkakahalaga ng P3.54 billion noong October 1, 2026 habang ito ay nasa Luang Prabang International Airport at tinatangka sanang ibiyahe patungo sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at nakapagpadala na ang pulisya ng mga subpoena sa mga taong natukoy na umano’y may kaugnayan sa naturang shipment.
Sa kasalukuyan aniya, tanging tatlong indibidwal na lamang ang hindi pa tumutugon sa subpoena at kung hindi pa sila magpapakita ay posibleng sampahan na sila ng kasong indirect contempt.
Patuloy ding sinusuri ng PH authorities ang mga ebidensyang nakalap upang matukoy ang daloy ng mga transaksyon sa nasabing operasyon bilang pagpapatibay ng case build-up laban sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad.
Sa kabilang banda, humingi na rin ng tulong ang PNP sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa pagsasagawa ng financial investigation kaugnay ng kaso.















