Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko na huwag mag-panic matapos muling humina ang piso at umabot sa mahigit P64 ang palitan nito sa bawat isang dolyar.
Noong Miyerkules, Oktubre 28, bumagsak sa P64.08 ang piso sa pinakamababang halaga nito sa kalakalan sa araw na iyon. Ayon kay Marcos, patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na paghina ng piso.
“Well, first of all, do not take it with alarm. Don’t panic,” saad ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na may sapat na kakayahan ang pamahalaan upang suportahan ang lokal na pera. Iniuugnay niya ang paghina ng piso sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at sa paglakas ng dolyar.
Dahil dito, posibleng mas mahal ang mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa, kabilang ang langis at ilang pangunahing bilihin. Maaari rin itong makaapekto sa pamasahe at iba pang gastusin ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi ni Marcos na patuloy ding naghahanap ng paraan ang pamahalaan upang mapababa ang presyo ng pagkain. Bagama’t umabot sa record low na P64.18 ang piso sa kalakalan noong Miyerkules, bahagya itong bumawi at nagsara sa P64.025 kada dolyar.
Patuloy na binabantayan ang galaw ng piso dahil sa posibleng epekto nito sa presyo ng mga bilihin at sa gatusin ng mga Pilipino.















