-- Advertisements --

Inanunsiyo ng United States ang dagdag na pondo para sa kooperasyong pangseguridad nito sa Pilipinas upang mapabilis ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa US Department of War, inanunsiyo ni US Secretary of War Pete Hegseth ang dagdag na pondo sa pakikipagpulong kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. noong Miyerkules.

Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng militar ng Pilipinas at mapabuti ang koordinasyon ng mga puwersang Pilipino at Amerikano, partikular sa First Island Chain.

Gayunman, hindi tinukoy ng US Department of War kung magkano ang idadagdag na pondo.

Tinalakay rin nina Hegseth at Teodoro ang mga hakbang para palakasin ang ugnayang pandepensa ng dalawang bansa, kabilang ang pagpapahusay sa kanilang sistema ng command and control upang mas mapabilis ang koordinasyon at pagpapalitan ng impormasyon sa mga operasyon.

Napagkasunduan din nilang simulan ang isang programa para sa modernisasyon ng naturang sistema.

Samantala, kinilala ng dalawang opisyal ang progreso sa pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), kabilang ang mga proyektong imprastraktura at pasilidad ng imbakan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Ang anunsiyo ay kasabay ng pagdaraos sa Cebu ng ika-20 ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) at ika-13 ADMM-Plus ngayong Oktubre 28 at 29.

Ang ADMM ang pangunahing mekanismo ng ASEAN para sa konsultasyon at kooperasyon sa usaping pandepensa, ayon sa Department of National Defense (DND).