Binatikos ng kampo ni VP Sara Duterte ang usap-usapan ukol sa posibleng papalit sa kaniya kung sakaling natanggal siya sa posisyon, sa pamamagitan ng impeachment trial.
Maalalang may mga ispekulasyon na ukol sa kung sino ang posibleng papalit o itatalagang papalit sa pangalawang pangulo kung sakaling maging ‘guilty’ ang verdict ng impeachment court, kahit hindi pa natatapos ang paglilitis.
Ayon sa tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., masyado itong ‘premature’ at nagiging pampalito lamang sa publiko ang mga naturang usapan.
Ipinapakita lamang nito aniya na mas inuuna pa ng administrasyon at ng mga kaalyado nito ang pamumulitika kaysa sa kapakanan at pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipino.
Maliban dito, hindi rin umano masosolusyunan ng pagpapalit ng bise presidente ang mga krisis na kinakaharap ng bansa tulad ng mataas na inflation, epekto ng Super El Niño, pagbagal ng ekonomiya, at pagbulusok ng halaga ng piso kontra dolyar at ng iba pang foreign currencies.
Giit ni Atty. Panelo, hindi ito ang dapat pag-usapan sa kasalukuyan dahil mas marami pang problema na dapat pagtuunan ng pansin.
Magbabalik ang trial laban kay VP Sara pagsapit ng Nobiyembre-9 kung saan nakatakdang magpresenta ang defense team ng pangalawang pangulo ng kanilang mga nalikom na ebidensiya at mga sariling testigo.















