Bumagsak sa panibagong record low na P63.09 kontra US dollar ang piso nitong Lunes dahil sa patuloy na paglakas ng greenback dulot ng mga geopolitical uncertainty sa buong mundo.
Ayon sa mga ulat ng palitan, bumaba ng 10.5 centavos ang pambansang salapi mula sa P62.985 noong Biyernes, habang pumalo naman sa $1.778 bilyon ang kabuuang volume ng palitan na mas mataas kumpara sa naunang $1.598 bilyon.
Paliwanag ni Philippine Institute for Development Studies (PIDS) Senior Fellow John Paolo Rivera, ang paghina ng piso ay epekto ng matas na presyo ng langis, geopolitical tension, lumalaking balance of payments (BOP) deficit, at mataas na demand sa foreign currency.
Binigyang-diin naman ng Economist na si Michael Ricafort na mas dulot ng external factor at malawakang paglakas ng dolyar ang paggalaw ng palitan, habang nananatili pa ring medyo stable ang piso kumpara sa ibang pera dahil sa posibleng interbensyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Nagbabala rin ang mga ekonomista na ang mas malaking banta ay ang matagalang paghina ng piso na maaaring magdulot ng mas mataas na inflation at magpababa sa kakayahang bumili ng mga pamilyang Pilipino.
















