Bumagsak sa panibagong all-time low ang Philippine peso laban sa US dollar noong Miyerkules, dulot ng mas mababang target sa infrastructure spending ng pamahalaan.
Nagsara ang piso sa P59.44 kada 1 dolyar kung saan humina ito ng 9.9 sentimo mula sa P59.341 noong Martes. Nalampasan nito ang dating record low na P59.355 na naitala noong Enero 7.
Ang paghina umano ng piso ayon sa isang economist ay bunsod ng pagbaba ng infrastructure spending target ng gobyerno sa 4.3% ng gross domestic product (GDP) mula sa naunang 5.1%, habang nagiging mas maingat ang mga awtoridad kasunod ng mga isyu ng katiwalian.
Kasama rin sa mga nagbigay ng ressure sa piso ang inaasahang paghinto ng Federal Reserve sa pagputol ng interest rates, kahit pa bumagal ang inflation sa Estados Unidos sa pinakamahinang antas mula Marso 2021.
Ang outlook na ito ay nagpalakas sa dolyar laban sa mga pangunahing salapi sa buong mundo.
Bahagyang napigilan ang pagkalugi ng piso ng net foreign buying ng bansa sa local stock market. Umabot kasi sa $4.9 million ang net foreign inflows noong Miyerkules, ika-9 na sunod na araw ng net buying, matapos ang $8.5 million noong nakaraang sesyon.














