Nagpasya ang House Committee on Justice na may sapat na substance ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa botohan, nakakuha ng 54 na boto pabor, 1 boto laban, at 0 abstentions, kung saan si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay lamang ang bumoto ng “no.”
Ang desisyon ay nagbukas ng daan para sa mas malalim na pagtalakay sa mga alegasyon laban sa bise presidente, kabilang ang umano’y plunder, graft, maling paggamit ng pondo, at banta sa pagpaslang.
Pero sa halip na tumutok sa hearing, naging abala naman ang pangalawang pangulo kanina sa paghahain ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Ayon sa kanya, inuulit umano ng Kamara ang taktika na ginamit sa International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng mga testigo na may gawa-gawang salaysay. Binanggit niya na si Madriaga, na akusado sa kasong kidnapping, ay nagkunwaring campaign supporter bago lumitaw bilang testigo sa impeachment laban sa kanya.
Matatandaang si Madriaga ay nagsumite ng affidavit na nagsasabing ang kampanya ni Duterte ay pinondohan ng mga drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ang kanyang testimonya ay kabilang sa mga dokumentong isinumite sa impeachment complaints.
Giit ni Duterte, hindi maaaring hayaang linlangin ang publiko ng mga imbentong kwento.
















