Itinanggi ni House impeachment adviser at prosecution spokesperson Robert Ace Barbers ang alegasyong minamadali ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matapos bago ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre 13 hanggang 17, kasabay ng ASEAN summit.
Ayon kay Barbers, sinusunod lamang ng Senate Impeachment court ang trial order na napagkasunduan ng prosecution at defense panels bago nagsimula ang paglilitis mahigit tatlong buwan na ang nakalipas.
Kabilang sa mga pinagkasunduan ang mga isyung tatalakayin, mga testigo at dokumentong ihaharap sa mga senator-judge.
Ipinaliwanag din ni Barbers na ang mga pagbabago sa iskedyul ay may kaugnayan sa legislative workload ng Senado, kabilang ang deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
Matapos tanggapin ng impeachment court ang pag-withdraw sa tatlong articles of impeachment noong Oktubre 13, article ii na lamang ang natitira, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, hindi idineklarang mga ari-arian at ipinagbabawal na interes sa negosyo laban kay Duterte.
Mariin ding itinanggi ni Barbers na may halong pulitika ang paglilitis, kabilang ang umano’y pagtatangkang impluwensiyahan ang 2028 presidential elections.
Nauna nang inanunsiyo ni Duterte ang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028, ngunit kapag napatunayang guilty sa impeachment trial, matatanggal siya sa puwesto at pagbabawalang humawak ng anumang public office habambuhay.














