-- Advertisements --

Naniniwala ang House prosecution panel na maaari pa ring humantong sa kriminal na conviction ni Vice President Sara Duterte ang mga ebidensiya sna iniharap kaugnay sa maling paggamit ng confidential funds, kasunod ng pinal na desisyon ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, pinagtibay ng COA ang disallowance ng P73.287 milyon na confidential expenses ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.

Sinabi ni Adiong na maaaring magsilbing batayan ang findings ng COA sa pagsasampa ng hiwalay na kasong kriminal laban sa bise presidente.

Sa impeachment trial, naglahad ang prosecution ng mga dokumento at testimonya hinggil sa mga acknowledgment receipt, paglilipat ng confidential funds sa mga security officer, at pagsunod sa mga patakaran sa paggamit ng naturang pondo.

Bagama’t binawi na ng prosecution ang Article I tungkol sa confidential funds, iginiit ni Adiong na maaari pa ring magpatuloy ang hiwalay na audit at iba pang legal na proseso sa labas ng impeachment trial.

Pinili ng prosecution na magpokus sa Article II, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, dahil naniniwala silang sapat na ang isang conviction upang makamit ang layunin nilang konstitusyonal sa impeachment case.