Iginiit ng Malacañang na hindi ito makikialam sa desisyon ng House prosecution panel na iurong ang tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at igalang ang legal na estratehiya ng mga prosecutor at desisyon ng Senate impeachment court.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, naninindigan ang administrasyong Marcos sa katotohanan, transparency at accountability. Aniya, nasa prosecution ang pagpapasya kung aling ebidensiya ang makapagpapatibay sa kaso.
Iniurong ng prosecution ang Articles I, III at IV na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery at grave threats. Naiwan ang Article II na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth.
Binigyang-diin ni Castro na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Executive branch sa mga hakbang ng prosecution o sa magiging desisyon ng mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial.














