Tinawag ng Malacañang na walang saysay ang panawagan ni Vice President Sara Duterte na magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na wala umano siyang karapatang hingin ang pagbibitiw ng pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, patuloy na nagtatrabaho si Marcos para sa kapakanan ng bansa at mamamayan. Dagdag niya, desisyon ni Duterte kung hindi ito magbibitiw sa puwesto, ngunit kinuwestiyon niya ang panawagan nitong mag-resign ang pangulo.
Nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya magbibitiw sa kabila ng mga alegasyon at impeachment proceedings laban sa kaniya. Muli rin niyang iginiit ang planong tumakbo sa 2028 national elections.
Samantala, ipinagtanggol ni Castro ang National Bureau of Investigation (NBI) matapos kuwestiyunin ni Duterte ang ilang operasyon nito. Ayon sa opisyal, inaasahang gagampanan ng mga opisyal ng ahensiya ang kanilang tungkulin bilang mga lingkod-bayan.
Giit ni Castro, dapat sagutin ni Duterte sa pamamagitan ng ebidensiya ang mga alegasyon ng krimen at korupsiyong ibinabato sa kaniya, sa halip na atakihin ang pagkatao ng mga nag-aakusa. Binigyang-diin din niyang hindi dapat agad humatol hangga’t walang sapat na ebidensiya o desisyon ng korte.













