Mahigpit nang tututulan ng House prosecution ang anumang dagdag na delay ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang maabot ang target na hatol sa Disyembre 18.
Ayon kay House prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nagiging malinaw na ang “pattern” ng pagkaantala matapos makansela ang pagdinig noong Nobyembre 26 at 27 nang hindi tinutukoy ang mga hindi nakadalong testigo, at dalawa pa lamang ang nakalista para sa Disyembre 1 hanggang 4.
Babala niya, ang pagpapatagal sa kaso ay nagdudulot ng “impeachment fatigue” sa publiko.
Nanawagan din si Manila Rep. Joel Chua kay Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na itigil na ang pagiging maluwag at huwag hayaang ubusin ng depensa ang 30 araw na pagdinig para sa iisang natitirang kaso ng unexplained wealth.
Aniya, ang pagpapahaba ng proseso ay senyales ng mahinang ebidensya.
Iginiit ng prosekusyon na dapat nang magtakda ng pinal na petsa ang korte upang matapos na ang paglilitis, lalo’t natapos na nilang iprisinta noong Oktubre 21 ang kanilang ebidensya tungkol sa umano’y P817.87 milyong unexplained wealth nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.














