Ipinagtanggol ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong ang kanyang pagsasampa ng kasong cyberlibel laban kay Atty. Levito Baligod at sa iba pa, kasunod ng paglabas ng warrant of arrest laban sa mga ito.
Ayon sa mambabatas, madali ang pagpapakalat ng mga gawa-gawang istorya online na siyang nagtulak sa kanya upang dumulog sa korte.
Giit ni Adiong, hindi tama ang basta-bastang pagpaparatang ng kasinungalingan na ang tanging layunin ay manira ng kapwa at magdulot ng kalituhan sa isip ng publiko.
Bagama’t kinikilala at sinusuportahan niya ang kalayaan sa pananalita, binigyang-diin ni Adiong na malinaw ang pagkakaiba nito sa paninirang-puri. Aniya, ang libel at cyberlibel ay hindi bahagi ng lehitimong pagpapahayag kundi isang malinaw na paglabag sa batas at sa dignidad ng isang tao.
Paliwanag pa ng kongresista, isinampa niya ang naturang reklamo upang matiyak na mananaig ang katotohanan sa usapin.
Sa huli, nanindigan si Adiong na ang katotohanan ay dapat hanapin at patunayan sa pamamagitan ng tamang legal na proseso, at hindi sa pagpapakalat ng mga imbentong kwento sa social media.
















