-- Advertisements --

Hindi pumasa sa Senado ang kabuuang 3,463 na panukalang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.

Ang mga naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P97.8 billion na pawang nakapaloob sa panukalang 2027 budget ng ahensya.

Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, kinabibilangan ito ng 3,132 proyekto na nagkakahalaga ng P87.2 billion.

Inirekomendang tuluyan nang tanggalin ang mga ito dahil hindi nakasunod sa mga documentary requirements na itinakda mismo ng ahensya.

Dahil sa malaking tapyas, umabot sa P587.9 billion ang inirekomendang bagong appropriations para sa DPWH para sa susunod na taon.

Ito ay mas mababa ng P66.2 billion kumpara sa orihinal na pondong nakapaloob sa General Appropriations Bill ng House of Representatives.

Sa kabilang banda, ibinalik ng Senado ang P33.097 billion na pondo para sa foreign-assisted projects ng DPWH. Ang mga naturang proyekto ay pawang binawasan sa naunang version na ipinasa ng House of Representatives.