-- Advertisements --

Binalikan ni Cardinal Pablo Virgilio David ang hirap at mga bantang inabot niya at ng mga kapwa alagad ng simbahan noong kasagsagan ng drug war ni dating Pang. Rodrigo Duterte, ilang araw bago ang nakatakdang paglilitis sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang truth session na isinagawa ng Truth Commission, binalikan ng Filipino cardinal ang ilang pagkakataong may mga testigong nagpasaklolo sa Diocese of Kalookan, kasama ang mga kaanak ng mga itinuturing na drug suspect.

Marami sa mga ito aniya ang kinanlong ng Simbahan ngunit naging dahilan din kung bakit nagalit noon ang Administrasyong Duterte sa kaniya.

Ayon kay David, hindi niya ni minsan inakala na kailangan niyang ipalawanag sa government agencies o PH authorities kung bakit kailangan nilang kanlungin ang mga kaanak ng mga biktima ng drug war gayong tungkulin at papel ito ng Simbahan.

Binalikan pa ng Filipino cardinal ang banta at babala sa kaniya noon ni dating Department of Justice Sec. Vitalliano Aguirre III.

Aniya, sinabihan siya ng dating kalihim na siya ay kakasuhan ng obstruction of justice dahil sa kaniyang ginagawa.

Giit ng Catholic leader, hindi niya ito maintindihan dahil marami sa kanilang mga kinakanlong ay mga witness na maaaring humarap sa korte sa akmang panahon.

Sa Lunes, Nov. 30, nakatakdang magsimula ang trial laban kay dating Pang. Duterte dahil sa kasong Crimes Against Humanity.

Ayon kay Cardinal David, malagim ang sinapit ng maraming Pilipino noong panahon ng dating presidente, hindi lamang para sa mga biktima kungdi maging ng mga mismong pulis na inaatasang pumatay umano sa ngalan ng drug war.

Binalikan ng Cardinal ang kuwento ng isang dating militar na na-assign sa PNP para pumatay sa naglan ng illegal drugs ngunit dahil sa ilang serye ng operasyon ay nakaranas siya ng pagsisisi.