-- Advertisements --

Naniniwala si House prosecution spokesperson at Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon na sina Vice President Sara Duterte at kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio na lamang ang posibleng makapagpaliwanag sa mga ebidensiya ng prosekusyon kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Ayon kay Ridon, nagdududa siyang sapat ang maihaharap na paliwanag ng mga testigong sina Bureau of Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada upang pabulaanan ang mga alegasyon. Tinatayang umaabot umano sa P817.9 milyon ang yaman na kinukuwestiyon ng prosekusyon mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi rin ng mambabatas na lumipas na ang pagkakataon ng depensa na hamunin ang mga rekord ng bank deposits at year-end balances, matapos nitong piliing ipatawag ang 16 na opisyal ng mga bangko at isang opisyal ng banko. Aniya, maaaring sina Sara at Mans Carpio na lamang ang makapagpaliwanag sa mga naturang rekord.

Kinuwestiyon din ni Ridon kung bakit mahigit P77 milyon lamang ang idineklara ng Bise Presidente sa kaniyang 2023 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, gayong umaabot umano sa P100 milyon ang pinagsamang halaga ng kaniyang bank deposits, investments at insurance accounts. Aniya, maaaring huli na rin upang magharap pa ng mga testigong mula sa labas ng pamilya Duterte-Carpio upang ipaliwanag ang mga naturang halaga.