Iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na may responsibilidad si Atty. Paolo Panelo na igalang ang mga senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, hindi lamang basta tagamasid o bystander si Panelo dahil nagsasalita ito bilang tagapagsalita ng Bise Presidente. Aniya, itinuturing ng publiko na posisyon ni Duterte ang mga pahayag nito tungkol sa paglilitis.
Naglabas ng show-cause order ang Senate impeachment court noong Nobyembre 20 laban kay Panelo matapos kuwestiyunin ni Senador Erwin Tulfo ang mga pahayag nito tungkol sa umano’y pagkiling ng mga senador sa pagtatanong sa isang testigo ng depensa.
Nilinaw na ang show-cause order ay humihingi lamang ng paliwanag at hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala si Panelo ng contempt of court.
Depensa naman ni Panelo, ginawa niya ang mga pahayag nang may mabuting hangarin at saklaw ito ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag. Nangako rin siyang magsusumite ng pormal na paliwanag sa korte.
Samantala, nanawagan si Adiong sa kampo ni Duterte na igalang ang korte at ihanda nang mabuti ang kanilang mga testigo upang masagot nang maayos ang mga tanong at maipaliwanag ang mahahalagang detalye sa paglilitis.














