Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang pagpapataw ng mabigat na multa at pagsuspinde o pagbawi ng permit sa mga kumpanya ng utility na hindi nag-aalis ng mga hindi na ginagamit na kable sa mga poste.
Sa ilalim ng House Bill No. 11461, layong alisin ang mga nakabuhol at nakalaylay na kable o “spaghetti wires” na nagdudulot ng panganib sa publiko at imprastraktura.
Inaatasan din ng panukala ang mga utility provider na ayusin at panatilihing ligtas ang mga kable, alisin ang mga hindi na gumagana, at kumpunihin o palitan ang mga sirang poste. Kailangan din nilang tiyaking sumusunod sa itinakdang safety clearance ang mga linya at regular na inspeksyunin ang kanilang mga pasilidad.
Sa sandaling maging ganap na batas ang nasabing panukala, bibigyan ang mga kumpanya ng isang taon upang sumunod. Papatawan ng P300,000 na multa ang mga hindi tutupad sa mga probisyon sa kaligtasan sa loob ng palugit, habang pagmumultahin naman ng hindi bababa sa P100,000 kada araw ng paglabag ang mga hindi mag-aalis ng mga patay na kable.
Sa ilalim din ng panukala, sasagutin ng mga utility company ang buong halaga ng pinsala sa ari-arian at gastusing medikal kapag may nasaktan dahil sa kanilang mga kable, bukod pa sa multang hindi bababa sa doble ng halaga ng mga gastusin.
Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na bantayan ang mga nsabing kumpanya kung sumusunod ang mga ito sa batas at maaari nilang suspindihin o bawiin ang mga permit ng mga lalabag sa mga pamantayan sa kaligtasan.








