-- Advertisements --

Muling tiniyak ng administrasyong Marcos ang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga matapos ilahad ng mga awtoridad ang paunang resulta ng imbestigasyon sa 521-kilong kargamento ng droga na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon na nasabat sa Laos habang patungo sa Pilipinas.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, ibinahagi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pagkakakilanlan ng ilang personalidad na umano’y may kaugnayan sa operasyon ng nasabat na droga.

Ayon kay Remulla, nagtutulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng isang joint task force upang matigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Inilabas din ng Department of the Interior and Local Government ang isang link chart na nagpapakita ng umano’y ugnayan ng 11 persons of interest, mula sa pagbili ng pribadong eroplano hanggang sa tangkang pagpapadala ng droga sa Pilipinas.

Sinabi naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga persons of interest, habang patuloy na minomonitor ang iba pa.

Gayunman, wala pang nakabinbing kaso o warrant of arrest laban sa 11 persons of interest, kaya hindi pa sila maaaring arestuhin, ayon kay Nartatez.