-- Advertisements --

Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P63,444 at isang hindi lisensiyadong baril sa isang operasyon sa Sitio Masablang, Barangay Bantay, Paracelis, Mountain Province, noong Oktubre 15, 2026.

Arestado ang isang 33-anyos na lalaki na kabilang sa regional watchlist ng mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

Sa bisa ng search warrant, narekober mula sa sasakyan ng suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 9.33 gramo, mga drug paraphernalia, isang .45-caliber na baril, at mga bala.

Nakatakdang ihain laban sa suspek ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.